Friday, September 7, 2007

MUNTING TAHANAN

MUNTING TAHANAN


Sa panahon ngayon, napakahalaga sa isang pamilya na maagkaroon ng sariling tahanan, halos lahat ay nagnanais na magkaroon ng sariling bahay. Kahit maliit lang. kasabihan nga kahit saan basta sarili at hindi na mag uupa pa. Napakaraming pamilya sa ngayon na hindi na makaahon sa pangungupahan, kababayad lang, nag iisip na naman kasi bayaran nanaman sa susunod na buwan, para bang wala ng katapusang problema.

Tulad ng nangyari sa aking mga magulang noong akoy bata pa. Palipat lipat kami ng bahay, madalas hindi namin nababayaran ang upa sa bahay , kaya napapalayas kami. At hindi din nakakaipon ng gamit ang mga magulang ko, sa kadahilanang tama lang sa pangkain at pang upa ng bahay ang kinikita ng aking ama bilang taxi driver.

Kung saan saan kami napapalipat, hindi ko na mabilang, basta ang alam ko lang hindi magaganda ang mga nalilipatan namin, kasi yon lang daw ang kaya ng pera ng mga magulang ko. Marami kaming magkakapatid, at madalas lumalayas ang mga kapatid ko, kasi masyadong masikip para sa aming lahat ang nakukuha naming bahay. Nakikitulog kung kani kanino, pati ako nakikitulog din sa mga kaibigan ko, kasi masikip sa bahay namin.

Sa murang gulang ko noon, nangarap ako na magkaroon ng sariling bahay ang aking pamilya, ang mga magulang ko, saka hindi na lalayas ang mga kapatid ko.

Ang gusto ko, magkasama sama kaming magkakapatid sa iisang bahay na matatawag na amin. Sa gulang ko na 14, naglayas ako, kung saan saan ako napunta, nakita ko ang buhay sa labas na malayo sa magulang. Napakahirap ng buhay na malayo sa pamilya, ngunit sabi ko mabubuhay ako. Napasama ako kung kani kanino, minsan nagugutom ako pero nakakaraos din naman. Basta ang alam ko kaya ako lumalayas kasi hindi maganda sa bahay masikip halos walang matulugan.

Minsan sa pag lalakad ko sa kahabaan ng relis ng tren, lugar ng makati, nakita ko may nagtatayo ng barong barong na bahay sa gilid ng relis ng tren. Nasabi ko sa sarili ko na puede pala yon. Gamit ang mga pinutol na sanga ng mga puno at mga piraso ng yero at lata. Nagtayo ako ng kapirasong bahay sa gilid ng relis ng tren. (1987)

Hindi pa din ako nauwi ng bahay, patuloy akong malayo sa pamilya ko, sumasama ako sa kaibigan kong metroaid o taga walis ng kalsada sa pasay upang makakain, dahil sa gabi maraming nagbibigay sa kanya ng mga pagkain sa palengke ng pasay kung saan sya nagwawalis.

Minsan isang araw na bumabagyo, napilitan akong umuwi sa mga magulang ko, dahil sa hindi kaya ng maliit kong tahanan ang buhos ng ulan. Ngunit labis ang aking pagkabigla sa aking nakita, baha na sa lugar na inuupahan ng mga magulang ko. Ang bahay na inuupahan namin ay lubog na sa baha, at isang dangkal na lamang ay aabot na ang tubig sa kesami nito. Kaya’t noong humupa ang baha, sinabi ko sa aking ina na may bahay na ako at maaari silang tumira doon. Hindi makapaniwala ang mga magulang ko, kaya’t sumama sila sa akin.

At kanilang nakita ang munti kong tahanan, nagtulong tulong kami na ayusin ito, namulot kami ng mga lata lumang yero at mga sako ng bigas bilang dingding. Kaya’t nabuo ang pinaka maganda naming tahanan. Muling umulan, napakaraming tumulong tubig mula sa tagpi tagpi naming bubungan, masaya pa din kami sapagkat ang ulan ay lilipas din. Kasabihan nga may tulo kasi umulan, pag wala na ang ulan, wala na din tulo.

Mula sa maliit na tahanan sa gilid ng relis ng tren, unti unti nakaahon kami, nakakabili na kami ng pakonti konting materials kaya napapaayos namin ito. Habang tumatagal kami sa lugar nagiging maayos ang buhay namin. Dahil sa wala na kaming upang binabayaran. Nakakain na kami ng maayos, bumalik na ang mga kapatid ko magkakasama na kami, at higit sa lahat nakapag aral na ulit ako kami ng aking mga kapatid.

Nasabi ko sa sarili ko, kung sakali ako’y magkaroon ng sariling pamilya at mga anak ayaw ko na danasin nila ang mga naranasan ko, ang hirap na palipat lipat ng bahay, walang maayos na matutulugan, ang malayo sa pamilya.
Taong 2005, kailangan na ayusin ang relis ng tren, at ang lahat ng bahay na malapit o nasa gilid nito ay kailangan ma demolish na. Hindi na naging masakit sa amin, sapagkat matagal na panahon na nakinabang kami sa lugar na iyon, At lahat kaming magkakapatid ay may sarili ng mga pamilya, ang iba ay may roon nang sariling bahay. Maging ako ay maroon nang sariling pamilya at hindi na ako nakatira sa bahay namin sa gilid ng relis ng tren. At ang iba kong kapatid ay malalayo na din kasama ng kani kanilang pamilya.

Napakahalaga po ng tahanan. Sapagkat ito ang nagbubuklod sa atin. Napakasarap sa pakiramdam na mayroon kang uuwian na maayos na tahanan, ito’y kanlungan natin sa mga bagyong dumarating, dito tayo bumubuo ng ating mga pangarap. Sa tahanan, alam nating ligtas ang ating mga mahal sa buhay.

Lahat tayo ay may karapatan na magkaroon ng maayos na tahanan, kung paano?


Jeffrey Sison fuentes

No comments: