Wednesday, September 5, 2007

kapuso

Lubhang napakahirap sumulat ng isang liham kung ito ay hindi bukal sa iyong kalooban. Dahil sa lahat ng sulat na aking ginawa, kasama sa pag likha ko nito ay ang aking puso. Kung saan dinadama ko ang bawat katagang inilalagay ko dito. Sapagkat ako’y naniniwala na sa sulat na gawa mula sa puso. Maging ang mga babasa nito ay higit na mauunawaan kung ano ang nais na ipahiwatig ng sumulat. Dahil sa madadama nito ang katotohanan sa likod nito. Ngunit ang liham na walang puso ay maihahalintulad lamang sa isang kampanang umaalingaw-ngaw ngunit walang laman.

Ganoon din pag tumulong ka sa iyong kapwa, dapat bukal ito sa iyong kalooban at nagmumula sa puso nang sa gayon madali mo itong magagawa.

Tama ang kasabihan na nilikha ng diyos ang tao na hindi katulad nya na kayang baguhin ang lahat. Maging ang mga imposibling bagay sa mundo. Ngunit ako’y
naniniwala na sapat ang talinong ibinigay ng diyos sa lahat ng tao upang piliin kung ano ang tama at mali; ang mag lingkod sa kapwa; at gumawa ng mga kabutihan.

Hindi mo kailangan maging diyos muna upang makatulong ka sa iyong kapwa, lahat tayo ay may takot sa diyos. At lahat tayo ay nag nanais na makapaglingkod sa kanya. Ngunit marami din ang hindi alam kung paano. Ang konti kong nalalaman ng pag-lilingkod sa dios ay simple lang. Ang makinig sa mga taong nababagabag ang kalooban dahil sa mga suliranin. Hindi ko man masolusyunan ang kanilang problema, sapat na ang konting talinong binigay ng diyos sa akin upang makabawas man lang sa suliranin ng taong lumalapit sa akin. Dahil hindi nga ako diyos upang sa isang iglap ay mabago ang mali at mailagay sa tama.

Dahil sa mga taong may hinanakit at mga pagdaramdam, ang makinig ka lamang sa kanila ay malaking tulong na. Minsan naman hindi kailangan ng solusyon, ang kailangan ay taong may puso at handang makinig sa kanyang kapwa.

Ang alam kong ikinalulungkot ng diyos ay ang mga klase ng tao na alam kung ano ang tama at mali, ngunit patuloy na nagbubulag-bulagan sa katotohanan at patuloy na nagbibingi-bingihan sa hinaing ng kanyang kapwa.

Ang buhay po ng tao sa mundo ay hindi binibilang ng diyos sa haba ng inilagi niya dito. Ako po ay naniniwala na ang tanging binibilang ng diyos ay ang mga kabutihang ginawa mo para sa iyong kapwa habang ikaw ay nandito pa sa mundo.

Ang buhay po ay puno ng pakikipaglaban, kung gusto mo may mangyari sa iyong mga ninanais, kailangan mo itong simulan ng walang anumang pag-aalinlangan. At ang lahat ng nagtagumpay sa digmaan ay mayroong isinakripisyo. At hindi po patag ang daan papunta sa pangarap na tagumpay, mas mahirap ang mga daan kesa sa inaasahan mo.

Kung sakaling malagpasan mo ang isang pagsubok, kailangan mo uling maghanda para sa isang mas mabigat pa na darating. Ngunit gawin mong tuntungan ang mga naunang pagsubok upang maging mas matatag kang harapin ang mga darating pa.

Maraming nagnanais ng pagbabago ngunit hindi nila alam kung paano simulan, at kung ano ang mga dapat gawin. Maraming katanungan , maraming pag-aalinlangan at mga takot. Ang pagbabago po ay nagsisimula mismo sa ating mga sarili. Huwag po tayo umasa na may biyayang darating kung ang tangi nating ginagawa ay ang magreklamo na lamang. Napakasarap po tumanggap ng mga biyayang iyong pinag pawisan at ipinaglaban.

Napaka halaga ng bawat panahon na nagdaraan, katumbas nito’y ginto at hindi dapat sayangin. Ang karugtong nito’y ang hininga natin; kung ito’y hindi natin bibigyan ng pansin, darating ang araw gigising ka na isang alipin.


By : JEFFREY SISON FUENTES

No comments: