Friday, September 14, 2007

AASENSO NGA BA?

AASENSO NGA BA?

Hindi ko alam kung sino ang pasimuno ng bagong commercial sa tv na ang title ay MAY ASENSO NGA kung hindi ako nagkakamali. Pinakikita dito ang interview at patotoo ng ilang tao na umasenso o nakaluwag na sa buhay. Ngunit kung ating titingnan sa ibaba habang nagsasalita ang mga talent nang commercial na yon, makikita ang caption na may roon silang mga kamag anak na OFW, o di kaya ay sila mismo ang OFW.

Sa aking sapantaha, ang dating sa akin ng commercial ay parang hinihikayat tayo na para umasenso ay kailangan nating maging OFW. Imbes na turuan ang ating mga kababayan na umasenso sa pamamagitan ng pag nenegosyo para umasenso ay taliwas ang commercial na ito. Hindi ko lang maisip na bakit pinapayagan nang ating pamahalaan ang mga ganitong klasi ng commercial sa tv. Ang tumatanim tuloy sa isip ng marami para umasenso ka, kailangan mong mag abroad at maging alipin sa lupain ng mga banyaga.

Sa pagkakaalam ko mayroong programa ang ating pamahalaan upang turuan mag negosyo ang marami nating kababayan, upang mabawasan ang mga umaalis sa ating bansa, at mabawasan din ang mga hindi magagandang karanasan ng maraming OFW sa ibang bansa. Ang sa akin, dapat na ipatigil ang commercial na ito na nag hihikayat sa marami na mangibang bansa upang umasenso.

Ito’y sarili kong karanasan, isa din ako sa maraming Pilipino na nangarap na magtrabaho sa ibang bansa. Kaya’t noong ako’y nagkaroon ng pagkakataon, agad akong umalis patungong Kuwait. Agad akong nangarap na magiging marangya na ang buhay namin. Para akong nakalutang sa alapaap, kasi ito na ang katuparan ng matagal ko nang pangarap. Nag simula ang aking byahe. Mula dito sa pilipinas, dumaan ako ng Bangkok Thailand, marami akong nakasabay na mga pilipina patungo din sila sa bansang Kuwait.

Mahigit sila sa 20 na pulos babae, ang tingin ko nga sa iba mga under age pa. Dumating kami sa subarnavhumi airport Bangkok Thailand 9pm gabi. Tapos lilipad ulit kami kinabukasan na patungong Kuwait 1pm pa. ang nabili ko na tiket at may kasamang hotel accommodation sa Bangkok palace hotel, kasama na ang pagsundo at paghatid sa akin, airpot to hotel, vice versa. Malayo din kasi ang airpot ng Thailand sa city siguro city to airport 50 km ang layo. Masarap ang nagging gabi ko sa hotel, masarap ang pagkain pati sa agahan pulos masasarap na pagkain ang mga nakahain.

Ngunit ang labis ko na ipinagtataka, mula pa noong ako’y lumabas sa airport papunta sa Bangkok palace hotel, parang nawawala ang mga nakasama ko sa eroplano ang pagkakaalam ko parehas ang mga schedule ng flight namin kinabukasan. Hanggang pag gising ko kinaumagahan, nagpunta ako sa lobby ng hotel para maghanap ng mga Pilipino, wala pa din sila. Kaya pumasok na ako sa restaurant ng hotel para mag almusal, maraming tao kaya linga ako ng linga baka Makita ko sila at nang may kasabay akong kumain, kasi karamihan doon pulos amerkano Chinese, marami pang ibang lahi, parang ako lang yata ang Pilipino, kaya napilitan akong maki share sa table ng mga Chinese, kaya kala nila Chinese din ako, puno na kasi halos lahat ng mga lamesa free kasi ang kainan na yon sa hotel. Kahit anong kainin mo kahit gaano karami ok lang sa hotel.

9 am dadating ang sundo ko pabalik ng airport. Pagbalik ko sa airport, nagulat ako sa nakita ko, ang mga kasama ko na mga Pilipino, natutulog sa mga bangko sa airport, at mukhang mga gutom na gutom na, may ilang gising kaya nakipag kwentuhan ako. Nalaman ko na huli silang kumain noong nasa loob pa kami ng airplane papuntang Bangkok, pag baba namin sa Bangkok hindi na pala sila pinalabas sa airport kaya doon na sila nakatulog sa mga bangko. Nalungkot talaga ako, ang agency pala nila ang biniling tiket ay walang kasamang hotel accommodation.

Nakakain silang muli noong nasa loob na ulit kami ng plane patungong Kuwait 2pm na yata yon. Kala ko doon na matatapos ang hirap nila sa byahe, hindi pa pala.
Kasi pagdating namin sa Kuwait agad kaming pumila sa immigration, nag uunahan pa kami, pero may isang immigration officer ang sumisigaw sa salitang Arabic, nang taal taal nakatingin sa mga pilipina, Ang ibig sabihin pala non halika ka halika. Lahat ng pilipina na nakapila ay lumapit sa kanya, lahat sila ay pinatabi sa isang sulok.

Ganun pala doon, ang mga pilipinang maid ay hindi puedeng sumabay sa ibang pasahero na pumila sa immigration, at hindi din sila puedeng lumabas sa arrival hanggat wala ang mga magiging amo nila. Kaya malungkot akong lumabas sa airport. Nakalimot ako saglit noong Makita ko ang mga sundo ko, ang kapatid ko na babae at ang isa ko na pamangkin na nag aaral sa Kuwait.

Kinabukasan ipinasyal ako sa Kuwait city,nakita ko ang marami nating kababayan, na talaga naming masasaya silang tingnan, magaganda ang bihis ang mga babae iba iba ang kulay ng mga buhok, ang isa sa napansin ko ang mga umpukan ng mga Pilipino, naki usyoso ako, umpukan pala yon ng mga pilipinong walang trabaho at may mga nagging problema o tumakas sa kanilang mga amo.

Ang iba sa kanila ay halos wala nang makain at nanghihingi na lamang sa kapwa natin Pilipino, sabi nang kasama ko, tibayan mo ang loob mo dito. Kasi maraming hindi swerte ang pagpunta dito kundi minalas, at ang masakit hindi alam ng kanilang mga pamilya sa pilipinas ang kalagayan nila dito.

Marami pa akong nakilalang Pilipino, May naka swerte, pero parang mas marami yata ang minalas. Merong tumakas sa amo at pagala gala nalang doon sa Kuwait, nanghihingi ng makakain sa mga kapwa Pilipino, pero madalas nagsasawa na din ang mga kapwa natin na magbigay kasi bumabalik din sila para manghingi ulit.

Meron naman tapos na ang contract hindi pa din makauwi, kasi nakasanla ang passport, at baon sa utang kasi pinadadala sa pilipinas. At hindi alam sa pilipinas na ang pinadadala nila ay inuutang lang nila. Ang mga babae naman na tumatakas sa mga amo nila, ang iba sa kanila ginagawang prostitute. Sa lugar ng farwaniya sa Kuwait, meron doon isang bilyaran at internet shop, ang nagsisilbi sa mga nagpupunta doon pulos mga pilipina, at makikita mong hantaran silang ibinubugaw sa mga dumarating na customer ng shop, na iba iba ang lahi. Alam ko kasi doon ako gumagamit ng computer pag nag eemail ako dito sa pilipinas.

Kaya labis akong nalulungkot sa mga kapwa ko Pilipino, lagi kong tinatanong sa sarili ko, alam kaya ng mga kamag anak ng mga babaeng ito ang naging kapalaran nila?
Hindi mo makikita ang lugar na ito kung hindi mo sasadyain, dahil nasa basement ito ng building. Ang sabi nong isa, mas maigi na dito sa basement, kasi kumikita kami kahit paano at may naipapadala kami sa pilipinas. Eh sa embassy, wala din naman silang maitutulong sa amin, kukumbinsihin lang kami na bumalik sa malupit naming amo. Para muling magdusa. Sa ilang beses ko na pabalik balik sa lugar na yon, parang tinanggap ko nalang sa sarili ko na unawain ang mga kapwa ko Pilipino sa nagging kapalaran nila.

Kasi ako din naman may problema sa sarili ko, mula nang dumating kasi ako, hindi na ako nakakatulog, isang lingo palang, parang gusto ko ng umuwi, sobra ang lungkot ko
Hindi ko na naiisip ang kikitain kong pera, mas mahalaga sa akin ang makauwi, dahil bawat oras o minuto yata, lagi kong naiisip ang mga mahal ko dito sa pilipinas, hindi ko na mabilang ang mga gabi na hindi ako nakakatulog. Dumadating ang punto na nagsisisi ako kung bakit ako umalis ng pilipinas, natuklasan ko na nandito sa pilipinas ang kaligayahan ko. Mas mahalaga pala ang kaligayahan nang isang tao kesa sa pera.

Napakaraming pamilya ang hindi maligaya sa panahon ngayon, dahil ang kanilang mga mahal sa buhay ay nasa ibang bayan upang maghanap buhay. Nag sasakripisyo upang mabigyan ng magandang bukas ang mga naiwan dito sa pilipinas. Pero hindi lahat may magandang bukas na naghihintay sa kanilang pag alis. Dito sa pilipinas maaari din tayong umasenso, ika nga ni villar, sipag at tyaga aasenso tayo. Kasama mo pa ang mga mahal mo sa buhay.
Bumalik ako sa pilipinas pag kalipas nang tatlong buwan, at napakasaya ko, ngayon kahit konti lang ang kinikita ko, napag kakasya naman namin, ang mahalaga sama sama kami at higit sa lahat nakakatulog na ako ng mahimbing, yon ang hindi kayang bilhin ng pera ang masarap na pag tulog at kasama ang iyong tunay na kayamanan sa buhay. Ang pamilya.
September 3,2007