Saturday, July 31, 2010

TIME TO SAY GOODBYE? 2




Sa loob ng 3 taon, minahal ko na ang work ko dito. Masaya ako pag may nayayari kaming bahay. Bagama't wala ako ng ganitong mga kagandang bahay. Sinisikap namin na mapaganda ang bahay na ginagawa namin, ginagamitan namin ito ng puso, pagmamahal at malasakit. 3 taon, napamahal na sa akin ang mga tauhan ko, si greg ang driver ko, si timot leadman ko sa valenza sta rosa, si lito naman leadman ko sa ponticelli camella at brittany portofino. Si jessie boy na kapitbahay ko, leadman timekeeper ko sa avida setting cavite. Bawat isa sa mga tao ko, kaya ko ikwento ang buhay nila kung ano ang kakayahan nila ang kahinaan nila. kilos palang nila kilala ko na kung may nararamdaman sila.

Nandon na ang malasakit namin sa isa't isa, kahit na medyo iba ako sa kanila, sinikap ko na mailapit ang sarili ko sa kanila. Sa driver ko na si greg, kilalang kilala nya ako, lahat ng pinagdaanan ko sa trabahong ito, alam nya ang mga sama ng loob ko, alam nya kung masaya ako, alam nya kung nag away kaming mag asawa. Minsan nga nakita ko sya na may nakasukbit na lanseta, sabi ko bakit may dala ka nyan? Ang sagot ba naman sa akin eh, " sir sa dami ba naman ng kaaway mo ". Salbahe talaga ha ha ha ha ha ha ha ok lang, ganun kami mag biruan ni greg, pero pag dating sa trabaho kilala nya ako. Kahit may sakit sya kailangan nya pumasok kasi masisira ang schedule ko. Nandon ang malasakit sa trabaho nya. Siguro dahil may anak na din sya. At nakikita ko naman na masaya sya na ako ang boss nya. or ipinagbilin ako sa kanya ng boss ko? na boss naming lahat.

Kapag masaya ka sa ginagawa mo, napakahirap nitong iwanan, at malaki na din ang hirap ko sa trabahong ito. Ngunit ang pinaka mahirap sa lahat, paanong magpaalam sa napakabait ko na boss? Lahat ng suporta binibigay nito sa akin, minsan pakiramdam ko, kalaban ko ang buong mundo, pero sya ramdam ko ang tiwala nya sa akin. Na alam kong isa sa dahilan kung bakit marami ang gustong mawala na ako. Dapat ok na ako dito, kasi 2 na kaming mag asawa na nasa office at kung pag sasamahin ang kinikita namin para na din akong nag abroad. Magkasama pa kaming lahat.

Pero minsan nagkamali ako. Paano ko ba sasabihin? Ang hirap talaga. Tumatakbo ang panahon, at nauubos na ito. Kailangan ko magpaalam, nagtatalo ang puso ko at utak. Sa mga mahal ko, kay rina handa sya na lumayo na ako or sabi lang nya? kasi nararamdaman ko, sanay na sya na magkasama kami, tulad ko din sya, matapang lang ako kasi nandyan lang ang asawa ko. Ganun din sya. Paano kung wala na sa tabi namin ang isa't isa? Malakas pa kaya kami? Marami akong kinatatakutan, paano kung hindi ako magtagumpay? Paano ang pamilya ko? Pero hindi lang naman ako ang lumayo, maraming pamilya ang magkakalayo. Masaya naman sila.

Nauubos na ang panahon ko. Sana mayaman nalang ako, para hindi na ako lalayo pa sa mga mahal ko. Ma mimis ko ang kakulitan ng mga anak ko ng bunso ko. Ang mga yakap ni rina sa akin na mukha kaming mag-ama. Ma mimis ko ang ang maraming tao. Pero natatakot din ako mag isa. Pero parang hindi na ako makakaiwas pa. Tulungan nawa ako ng dios na magtagumpay.

TIME TO SAY GOODBYE?

Medyo matagal ako hindi nagsulat dito sa blog ko. Kasi napakahirap sumulat pag hindi nanggagaling sa puso. Ilang beses ko sinubok pero parang ang hirap mag sinungaling sa blog. Nasanay ako na lahat ng nilalagay ko dito ay totoo. Ang bago, magkasama na kaming mag asawa sa work ngayon 2 months na yata sya sa office namin. siguro ok lang kasi mas madalas naman ako sa construction site kesa sa office namin.

Kaya parang hindi din kami magkasama. Kulang nga ang oras ko umikot sa mga site. Nag ooffice lang ako ngayon, pag gumagawa ako ng mga billing. Kabisado ko na naman, pag actual ka kasi sa contruction site hindi ka masyado malilito, daig mo pa ang computer kasi nga nakakaikot ka ng actual at ako mismo ang nagpapatrabaho. Kaya pag dating sa office saglit nalang.

Hindi ko malaman kung natutuwa ako o hindi kasi kasama ko na ang asawa ko sa work. Kasi sabi nila sa office pasaway ako at opposition sa maraming bagay. Pero ang sa akin naman sinasabi ko lang kung ano ang tama at kung ano ang paniniwala ko sa maraming bagay. Kaya medyo nagulat talaga ako noong inaalok nila ako na mag work na ang wife ko sa office namin, sa akin naman medyo ok na ang salary ko para sa pamilya ko. Si rina naman maraming deskarte sa buhay, nakautang nga yon sa bank na wala ako alam, matalino sya at nasubukan ko na yon sa maraming bagay, ika nga ay kaya nya din ako buhayin. Kaya lang naman ako nagulat ang alam ko pinag tutulungan nila ako para matanggal sa work. Tapos bigla inalok ang wife ko na sumali sa magulong mundo ko ng construction ha ha ha ha ha ha nakakatuwa. Aminado ako na nadagdagan ng mga half inches ang noo ko. Kasi imbes na mawala ako sa work ko, naipasok ko pa ang wife ko.

Ano kaya ang balak nila? ewan ko ba. Pati ako minsan nalilito na. Ako naman nagtratrabaho lang. Ginagawa ko lang ang work na pinagkatiwala sa akin. Kahit na walang katapat na pera ang kunsumisyon sa mga trabahador, na sa bawat pagkakamali nila alam ko na ako ang masisisi ng mga engrs, ng mga boss ko. ito padin ako after 3 years, hindi ako makapaniwala talaga ng nakatagal ako ng ganito, o sila din hindi makapaniwala na kasama pa nila ako ha ha ha ha ha ha ha ha. ako din naman gusto ko na din maglaho ng madalas, lalo pag mga deadline na ng mga bahay, tapos panay ang tawag sa akin ng mg site engr, kesa mag init ang ulo ko dahil wala na ako maisagot, pinapatay ko nalang ang cell ko, tapos sisikapin ko nalang na magawa kung ano ang mga request nila na walang katapusan at paulit ulit, na akala nila ako si superman, na kaya mo yan jeff lagi. Madalas nag me meeting sila ng project, tapos ako madalas late dumating. Pag dating ko ok na silang lahat. Pagdating ko wala na ako magagawa kundi gawin ang napag meetingan nila, ha ha ha ha ha ha. tama, lagi ako biktima. Pero ok lang naman pag may oras pa. At siguro hindi ko na din napapansin ang mga tao ko. Kahit pagod na sila, minsan talaga hindi ko yon napapansin, Kasi sila naman biktima ko din. Dahil sa pag oo ko. Kailangan din nila sumunod sa mga utos ko. Salamat nalang sa suporta ng big boss ko na pogi. Pag may project ako, free lahat ng food, yon nalang siguro ang maibibigay ko sa mga tao ko bukod sa overtime.

Dito sa work ko, Kailangan hiwalay ang problema sa pamilya. Kasi madadamay ang work. Pag nadamay ang work, masisira mawawalan din kami ng trabaho. Madalas sa meeting ko sa mga tauhan ko. Lagi ko sinasabi sa kanila na huwag dalhin sa construction site ang problema sa pamilya. Kasi Madali ako makahalata, Pag napansin ko na para silang may sakit, pauuwiin ko sila kesa masira nila ang trabaho ko. Ako naman halata nila pag nag iingay ako sa site na panay ang sita ko. Ibig daw sabihin non nag away kami ni rina, at gumaganti lang ako sa kanila. ha ha ha ha ha.Hindi totoo yon, kasi nag away kami ni rina o hindi, pag nakakita ako ng mali at paulit ulit yon nagagalit na talaga ako. Lalo pag monday, madalas ang mga lasenggo pag monday absent. Wala ako pakialam kung may hang over pa. Basta pag absent ng monday, suspendido ng 3 days. Para mag tanda na dapat hinay hinay lang ang inum pag sunday kasi may pasok na ng monday. Pag wlang nasweldo, uutang sa canteen. tapos panay kapos na ang budget kasi nga nag absent. Bukod pa sa sira ang schedule namin sa work. Inaasahan mo na may tao ka don, yon pala hindi nag sipasok hay naku.

Tuesday, January 19, 2010

KALBO NA NGA AKO. HA HA HA HA HA HA.












Nakakalbo na nga ako pala. Madalas kapag nasa inuman, halos ayaw ko may kaharap na kalbo na din. Kasi nakikita ko ang kinabukasan ko, ha ha ha ha. Meron ako isang tauhan si demate, pag nagkakaharap kami, lagi ko sinasabi na sa bandang likuran ko sya uupo. Hindi kasi ako makatutuk maige sa mga gusto ko sabihin sa kanila kapag may meeting kami. Nakikita ko kasi ang kalbo nya natatawa ako. Yon pala ako din. Pero 49 na sya ako naman ay 38 na pala sa sunod na month, hwaaaa. Tapos ang layo na ng itsura ko sa asawa ko. Si rina 35 na pero mukhang yon parin ang itsura nya mula ng magsama kami 13 years ago. Siguro magaling lang ako mag alaga talaga ng bulaklak. he he he he mahilig kasi ako sa halaman. Saka siguro sa klasi ng work ko sa construction. Minsan nga iniisip ko na magdala ng payong habang umiikot sa construction sites. Kaso naman baka hindi makapag trabaho ang mga makakakita sa akin sa construction site. ha ha ha ha ha sigurado pag talikod ko magtatawanan na sila.
Naalala ko nga minsan, kasama ko ang boss ko na babae, pumunta kami sa valenza sta rosa. nag inspect kami sa construction don, habang naglalakad ako. Hindi ko napansin na pinapayungan pala ako ng timekeeper, hiyang hiya talaga ako. inutusan pala ng boss ko kasi mainit daw. Hindi talaga ako lumakad hanggat di nya inaalis ang payong. Anyway gusto ko talaga magpayong. Kasi pag sa bahay mukha daw akong alien sabi ng mga anak ko. Ang puti puti ng katawan ko pero ang leeg ko at ulo pati braso ang itim itim na daw. Kaya siguro matanda ako tingnan o talagang matanda na ako? Pero ok lang ang mahalaga may pinagkatandaan naman.
Tama talaga ang marami na nakakatanda ang magbilad sa initan. Sa construction kasi hindi maiwasan na hindi ka titingin ng ginagawa, kasi sigurado yong inaasahan mo hindi mangyayari pag wala ka sa site. Ang magagaling na trabahador nawawalan ng kwenta pag walang nag uutos ng dapat nilang gawin. Katwiran nila arawan naman kami, kaya nawawala ang malasakit sa work.
Siguro yon ang nakikita ko na kaibahan ko sa ibang manggagawa. Ako hindi lang talino at malasakit ang ginagamit ko sa pag gawa, pati puso ko nilalagay ko dito. Kapag ang isang gawain ay ginamitan ng puso. Nagiging maayos ang lahat. Dapat yon ang makuha ng maraming manggagawa. Hindi lang lakas at talino, napakahalaga ng may puso sa lahat ng gawain.



DANIELLA & MARVELLA OF CERRITOS



Yan ang 2 bahay na gustong gusto ko. Mura lang, at ginagawa lang ng halos 2 months. Siguro pag tumama ako sa lotto. Mamimili ako sa 2 na yan. Tamang tama lang sa amin yan madaling linisin kasi medyo maliit lang. At gusto ko rin ng sempling buhay lang. Yong malayo sa mga beyanan ko, ha ha ha ha ha ha ha. Katulad ng pangarap ng marami na malayo sa mga beyanan ha ha ha ha ha ha ha.

Sunday, January 3, 2010

FULL HOUSE BY GMA7

Madalas busy ako, pero syempre may time ako para manood ng tv. Kasama ng asawa ko. At isa sa mga nakahiligan namin panoorin ay ang mga korea novela. Na talaga namang hindi ka magsasawa na panoorin. Halimbawa na ang JEWEL IN THE PALACE. Iiyakan mo talaga, bukod pa sa magiging magaling ka na tagaluto sa kusina ha ha ha ha ha ha ha. Hindi ko talaga malilimutan ang bawat eksena.

At ito pa ang isang nakakatuwa, yong full house ni justin at jessie. Talaga namang aabangan mo ang bawat pag kukulitan ng 2 mga bida. Makakalimutan mo talaga kahit paano sandali ang mga problema. Kaya nitong ginawa ng gma ang pinoy style na full house ay inabangan ko din talaga. Pero hindi ako natuwa. Kasi ok na sana ang mga artista, maliban sa gumaganap na luigi. Dios me, eh ang luigi don sa totoong full house, malaki, matipuno, kagalang galang at higit sa lahat mukhang hindi kayang apihin kundi isang tunay na super hero talaga ni jessie. Yong tipong wag mong lulukuhin si jessie kundi lagot ka talaga. Maging si justin sa totoong full house eh takot kay luigi. kasi nga mas malaki ito sa kanya talaga. Tapos ang pinag puputok ng butse ko, dito sa atin ang gumanap na luigi eh ang liit liit kay justin, baka isang bigwas lang eh humagis na. Paano maipapakita ni justin na takot sya kay luigi kung mas maliit ito sa kanya? Hay naku talaga dito sa atin, hindi man lang pumili ng mas babagay sa gaganap ng papel. Sana lang sa susunod pag isipan naman kung bagay ba. Kasi kahit saang angulo mo tingnan ang luigi dito sa atin, totoy talaga ang itsura. yon lang. Ha ha ha ha ha ha ha pag nabasa to ng wife ko lagot ako ha ha haha.

Tuesday, December 22, 2009

BEST SUPPLIER & INSTALLER OF THE YEAR 2009





Noong unang pasok ko sa JJM CONSTRUCTION COMPANY, nasa office lang ako sa loob ng 6 month bilang payroll and office assistant. Ngunit pagpasok ng 2008, sinabihan ako na ako na ang hahawak ng isang department, ang HI-TECH WALL SYSTEM COMPONENTS. Masaya ako dahil ibig sabihin may nakitang kakaiba sa akin ang big boss. Kahit aminado ako na wala akong masyadong alam sa papasukin ko tinanggap ko pa din.

Ang hahawakan ko dito ay ang production ng materiales, mga tao sa production, mga workers sa construction. Lahat tinanggap ko, pati ang iba ibang klase ng tao, pati na kakaibang ugali nila. Sinabi ko sa sarili ko na kakayanin ko ito para sa pamilya ko. Ang gusto ko lang naman ay magtrabaho, hindi ko hinangad na magkaroon pa ng mataas na katayuan sa trabaho. Ngunit ibinigay sa akin to cge nalang. Noong una medyo mahirap dahil paano ba ang mga umpisa?

Sabi ko madali lang naman siguro to, kasi nasa akin na ang lahat ng karapatan para mag umpisa, pumili ng workers at patakbuhin sila ng ayon sa trabahong ibinigay sa akin. Bahala na. Naging maganda ang aming takbo sa loob ng isang taon 2008, masaya bagama't may mga problema din naman, pero mas lamang ang masaya. Kasi tinuruan ko ang mga tao ko na bawat bahay na aming gagawin ay hindi lang tools sa construction ang aming gagamitin, dapat ay gamitan din ito ng puso ng bawat isa sa amin, napakahalaga nito sa lahat ng ating ginagawa sa lahat ng bagay. Magaan nating nagagawa ang trabaho at higit sa lahat napapaganda pa ito. dahil itinuturing naming bahay namin ang aming ginagawa.

Ngunit nitong pag pasok ng taong 2009, naging mabigat na sa akin ang aking trabaho. Sapagkat kaliwa't kanan na ang mga naging paninira sa akin, kesyo may nagbayad sa akin ng kalahating million upang lumipat sa ibang company, meron namang nagbenta daw ako ng formula sa halagang million. Kung ako ay mayroon kahit na isang daang libo, siguro wala na ako sa kompanyang ito. Hindi ako magtitiis na laitin ng mga kamag anak ng may ari kompanya. Ilang beses na din ako nagpapaalam sa mga owner ng kompanya ngunit hindi ako pinapayagan. Sinasabi nila na buo ang tiwala nila sa akin, ngunit kabaligtaran ng kanilang mga kamag anak, kahit na sinasabi ng big boss na huwag ko intindihin ang mga tumitira sa akin dahil sa sya naman ang nag papasweldo sa akin. napakahirap ng tiniis ko sa loob ng isang taon. Hindi ko maipag tanggol ang sarili ko sa kadahilanang ayaw ko lang gulo. At higit sa lahat kamag anak din naman ng may ari ang mga kumakalaban sa akin, na wala naman silang mapatunayan na meron nga akong kalahating million. wish nalang sa lahat ng hirap at sama ng loob na tinitiis ko sana totoo nalang na meron nga. Sana hindi na kami nag aaway ng mother in law ko pag hindi sila nakakabayad ng ilaw sa amin. Sana hindi na ako naghuhulog ng motor ko buwan buwan, sana wala na ako sa jjm. at marami pang sana.

Nakakalungkot, sa kabila ng lahat, hindi ko hinayaan na maapektuhan ang takbo ng aming trabaho, na parang wala lang, pero ang hindi alam ng mga tao ko. sugatan ako, sugatan na sugatan. Pinapakita ko lang sa kanila na matatag ako. Kailangan walang mabitin na trabaho, maging sa mga pakikipag usap sa ibat ibang construction company sinisikap ko na lahat sila maasikaso ko padin ng maayos, ayaw ko na masira sa pangako ko sa big boss ng company. dahil alam ko sya nalang ang kakampi ko. Kahit na hindi kami nag uusap ng madalas, pag tinawagan nya ako at kinamusta, para akong naging si superman ulit. Dahil nararamdaman ko na buo pa din ang tiwala nya sa akin sa kabila ng mga intriga sa akin. Napaka hirap na magtrabaho pag napapaligiran ka ng mga taong ganid sa kapangyarihan, lahat gusto nila sila ang hahawak, pag kausap ka ng boss, akala nila nag sisisip ka. Pag kaaway mo ang isa, lahat sila magkakampi kampi kasi magkakamag anak. Kahit may alam ako na kalukuhan nila sa trabaho hindi ko magawang magsumbong sa big boss dahil sa ayaw ko na ako ang pag mulan ng away nila. Higit sa lahat hindi ako sumasali sa away ng mag kakamag anak. Dahil magkaaway ngayon, bukas bati bati na yan, tulad sa away ng mga mag asawa, mahirap patulan. Nanahimik ako sa loob ng isang taon, tiniis ko na habang nagtratrabaho ako ay may humahataw ng latigo sa aking likod. Iniisip ko nalang na dapat kumain ang pamilya ko ng 3 beses sa isang araw yon ang mahalaga sa akin, lahat titiisin ko para sa pamilya ko. Ngunit hindi ko malilimutan sa buong buhay ko, lahat ng hirap at sama ng loob na naranasan ko sa kompanyang ito. Sa big boss ko, lagi kong dasal na sana matauhan na sya, hindi lahat ng nagsasabi na may malasakit sa kompanya ay totoo. Madalas sila pa mismo ang mga magnanakaw. Ang gawain nila ay ibinibintang sa iba upang sila ay manatiling mabango sa kompanya.

Nitong december 2009, para akong binuhusan ng malamig na tubig. Sapagkat ginanap ang YEARLY AWARD NG CROWNASIA, hindi ako nakapunta. Tinanghal na BEST SUPPLIER INSTALLER OF THE YEAR ang JJM CONSTRUCTION COMPANY, sa pamamagitan ng department ko. Buong taon na pulos sama ng loob ang naranasan ko, pakiramdam ko, walang pumapansin sa trabaho ko, basta trabaho lang ako ng trabaho. Hindi ako masyado nakikipag usap sa mga tao, nagpupunta ako sa construction site para tingnan kong tama ba ang ginagawa ng mga tao tapos lipat naman ng ibang site. Maging sa office hindi na ako nagtatagal. Parang wala lang kami. Kasi pakiramdam ko inaapi ang grupo ko. pati sa pera, halos kulang kami sa pondo. Nararanasan namin ang magbyahe na walang pang kain, magawa lang namin ang trabaho namin ng maayos at walang mag reklamo. Sinunud ko lang ang boss ko na magtrabaho nalang ako wag ko na intindihin ang iba. Nagpapasalamat ako sa CROWNASIA, sa MGA SITE ENGR'S kay engr. rey ng ponticelli hills, engr ron pua ng valenza sta rosa laguna. engr. mike ng citta italia. Sa mga contractor's DDL CONSTRUCTION COMPANY, kay mang danny, steve, cita. JDS company OSAGMI builders. sa mga bomoto sa amin na hindi ko nabanggit maraming maraming salamat.

Marami pala sila na nakakapansin sa trabaho namin. Sa mga tauhan ko na walang sawang sumusunod sa mga utos ko, na minsan mainit na ang ulo ko at hindi nila ako pinapatulan sa aking driver si greg, sa dalawang foreman ko, kat timot at lito. Kung hindi ako naniwala sa big boss siguro hindi namin makukuha ang award. Siguro kung sumuko ako agad sa mga tumitira sa akin, naapektuhan na talaga ang trabaho ko.

Thursday, November 26, 2009

MAGUINDANAO MASSACRE

Habang nanonood kami ng tv, bigla tumutulo ang luha ng asawa ko, labis ang aming kalungkutan sa sinapit ng mga pinatay sa maguindanao. Wala akong maisip na salita para kundenahin ang pag paslang sa mga inosenteng biktima. Sa mga media men na ginagawa lang ang kanilang tungkulin ay dinamay pa. walang kasing sakit sa kanilang mga pamilya ang sinapit ng mga ito sa kamay ng mga bandido. Ngunit sa bawat araw na nagdaraan, laging bitin ang action ng gobyerno upang panagutin ang mga may sala. Meron daw silang manhunt operation, pero sino ba ang hinahabol? Ang mga pinatay ay Magulang, kapatid, anak. Lahat ay may pamilyang naghihintay sa kanilang pagbabalik mula sa kanilang trabaho, na pagdating ng hapunan ay kasama nilang kakain sa isang simpleng hapag kainan. Ngunit ang kaligayahang ito ay inagaw ng mga taong sakim sa kapangyarihan. Wala itong kasing sakit sa mga naiwan. Ang lahat ay sumisigaw ng katarungan, sana ay hindi ito ipagkait sa kanila. Madalas sinasabi ko malakas ako. Ang totoo mahina din ako, Malakas lang ako dahil kasama ko ang aking asawa at ang aking mga anak. Nabubuhay ako dahil sa mga mahal ko. Hindi ko kakayanin na mawala ang kahit sino sa kanila, umiikot pa ang mundo ko dahil sa kanila. Tulad din natin ang mga pinaslang sa maguindanao, may mga pamilyang naiwan at labis na nagmamahal at labis na nasasaktan sa hindi inaasahang pangyayari. Samahan natin sila kahit sa panalangin na makamtan nila ang katarungan.