Thursday, November 26, 2009

MAGUINDANAO MASSACRE

Habang nanonood kami ng tv, bigla tumutulo ang luha ng asawa ko, labis ang aming kalungkutan sa sinapit ng mga pinatay sa maguindanao. Wala akong maisip na salita para kundenahin ang pag paslang sa mga inosenteng biktima. Sa mga media men na ginagawa lang ang kanilang tungkulin ay dinamay pa. walang kasing sakit sa kanilang mga pamilya ang sinapit ng mga ito sa kamay ng mga bandido. Ngunit sa bawat araw na nagdaraan, laging bitin ang action ng gobyerno upang panagutin ang mga may sala. Meron daw silang manhunt operation, pero sino ba ang hinahabol? Ang mga pinatay ay Magulang, kapatid, anak. Lahat ay may pamilyang naghihintay sa kanilang pagbabalik mula sa kanilang trabaho, na pagdating ng hapunan ay kasama nilang kakain sa isang simpleng hapag kainan. Ngunit ang kaligayahang ito ay inagaw ng mga taong sakim sa kapangyarihan. Wala itong kasing sakit sa mga naiwan. Ang lahat ay sumisigaw ng katarungan, sana ay hindi ito ipagkait sa kanila. Madalas sinasabi ko malakas ako. Ang totoo mahina din ako, Malakas lang ako dahil kasama ko ang aking asawa at ang aking mga anak. Nabubuhay ako dahil sa mga mahal ko. Hindi ko kakayanin na mawala ang kahit sino sa kanila, umiikot pa ang mundo ko dahil sa kanila. Tulad din natin ang mga pinaslang sa maguindanao, may mga pamilyang naiwan at labis na nagmamahal at labis na nasasaktan sa hindi inaasahang pangyayari. Samahan natin sila kahit sa panalangin na makamtan nila ang katarungan.

Friday, November 6, 2009

SWERTE PA DIN AKO

Lahat tayo ay nangangarap ng magandang buhay, at maayos na pamilya. Ang makapag-aral ang ating mga anak sa maayos na paaralan. Ang makakain ng tatlong beses sa isang araw. Ngunit ilan lamang sa atin ang nakakaranas ng lahat ng ito, karamihan ay naghihikahos sa hirap ng buhay sapagkat hindi sapat ang kinikita sa bawat araw.
Kasabihan, kung ano daw ang ating dinaranas sa kasalukuyan ay tayo din ang dahilan kung ano tayo ngayon. Ang ibig pong sabihin kung kaya ng iba kaya din ng bawat isa sa atin na makaahon sa kahirapan. Ngunit marami din sa atin ang takot sa tunay na kalagayan ng buhay, mas madalas pa nga ang magreklamo kaysa ang gumawa kung ano ang dapat. Masasabi ko na walang karapatan magreklamo ang wala naman ginawa upang makaahon sa kanyang kinalalagyan. Simple lang naman ang aking pangarap, ang magkaroon ng sapat na liwanag ang kubong aking tinitirhan, ang mapayapang gabi na may ngiti sa aking mga labi. Na sya ring pangarap ko sa bawat isa sa atin. Ayokong dumating ang panahon na hihiga tayo na ang inuunan ay himutok at mga buntong hininga. Tayo ang gumagawa ng ating kapalaran, binigyan tayo ng sariling isip upang gamitin sa mga tamang decision sa pang araw araw na pamumuhay.

Kung ano tayo ngayon, yon ang bunga ng mga decision natin kahapon, kayat wala tayong karapatan na isisi sa iba ang kung ano ang kalagayan natin sa ngayon.
May mga oras na nagkakamali tayo, ngunit laging may pagkakataon upang maitama ito. Ngunit madalas natatakot tayong harapin at ayusin ang mga pagkakamaling ito. Madalas tinatakasan natin ang mga problema imbes na harapin ito. Ang hindi natin alam, habang tumatagal lumalaki ito ng lumalaki. Hanggang sa hindi na natin ito makayanan at sumuko na tayo.

Madalas nalilimutan na natin kung ano ang kaya nating gawin, nauunahan tayo ng takot, lahat tayo ay may tapang at lakas ng loob na harapin ang mga suliranin sa ating buhay. Kailangan nating lumaban palagi, hindi na para sa mga sarili natin, para nalang sa mga taong umaasa sa atin sa mga nagmamahal sa atin. Isipin natin na pag sumuko tayo para narin nating isinuko ang mga mahal natin sa buhay. Lahat ng tao ay nakakaranas ng mga problema, ang kailangan ay harapin natin ito, lagi nating ipagpasalamat na ito lang ang binigay sa atin. Dahil maraming tao na may mas mabigat na problema kisa sa atin. Lumingon ka lang sa paligid, hindi mo na kailangang lumayo. Sasabihin mo, MASWERTE PARIN AKO.